Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act.
Sa ilalim ng bagong batas, makikinabang dito ang mga magsasaka na may dati nang bayarin sa principal loans , amortization at interes gayundin ng surcharges.
Nasa P57. 55 bilyon na principal debt ang na kinansela dahil sa batas.
Nasa 610,054 na agrarian reform beneficiaries ang nakinabang kung saan nasa 1. 173 milyong ektarya ang saklaw nito.
Maibabalik din sa mga orihinal na benepisyaryo ang mga awarded lands na na-forfeit noon dahil sa kabiguan na makapagbayad sila sa taunang amortization kasama na ang interes.
Sa ilalim ng batas, aakuin din ng pamahalaan ang obligasyon o bayarin ng 10,201 agrarian reform beneficiaries na nagbubungkal ng mahigit 11 milyong ektaryang lupain, sa natitirang balanse na dapat bayaran sa mga may ari ng lupa sa ilalim ng voluntary land transfer o ang direct payment scheme na nagkakahalaga ng mahigit P207 milyon.
Ang mga ARB ay awtomatiko ring isasama sa registry system ng Department of Agriculture kung saan bibigyan sila ng karapatan sa lahat ng suportang serbisyo na ipagkakaloob sa mga magsasaka ng DA at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Matatandaang sa unang State of the Nation Address ipinangako ni Pangulong Marcos na tutulungan niya ang mga magsasaka.