Pinagbigyan ng hukom na may hawak ng drug case ni dating Senator Leila de Lima ang hirit ng state prosecutors na bitawan nito ang kaso.
Inaprubahan ni Judge Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 ang mosyon ng panel of prosecutors ng Department of Justice na mag-inhibit sa pagdinig sa Case No. 17-167.
“Wherefore, the Motion for Voluntary Inhibition is granted,” ang sabi ni Alcantara sa kanyang desisyon na may petsang Hulyo 6.
Magugunita na noong nakaraang Mayo 12, inabsuwelto ni Alcantara sina de Lima at Ronnie Dayan sa Case No. 17-165.
Una nang nag-inhibit sa natitirang kaso ni de Lima si Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 matapos nitong ibasura ang petisyon ng dating senadora na makapag-piyansa noong Hunyo 15.
Ikinatuwiran pa ni Alcantara sa kanyang desisyon na nais lamang niyang mawala ang pagdududa sa kanyang kredebilidad, integridad at pagiging patas na nag-uugat sa kanyang naunang desisyon sa isa pang kaso ni de Lima.