Nais ni Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng maayos na ikabubuhay ang mga dating drug user.
Ito ang nagtulak sa kanya para ihain ang Senate Bill 276, kung saan ang kanyang nais ay magkaroon ng kolaborasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang makabuo ng technical-vocational education and training (TVET) program para sa mga rehabilitated drug dependents.
“Sa pagbibigay ng mga insentibo sa mga establisyemento na kukuha ng mga rehabilitated drug dependents na sumailalim at nakapagtapos sa mga programangna partikular na idinisenyo para sa kanila, mabibigyan natin ng suporta ang kanilang reintegrasyon sa lipunan,” paliwanag ng senador.
Ang TVET at mga programang pangkabuhayan ay tutuon sa pagbibigay sa mga reformed drug users ng kakayahang makipagkumpitensya na maaaring maging daan upang makahanap sila ng matatag na trabaho o makapagtaguyod sa pagkakaroon ng sariling negosyo, ayon pa kay Estrada.
Binanggit niya na mula pa noong 2016, nagbibigay na ng pagsasanay at livelihood scholarship sa mga dating drug dependents ang TESDA at noong taong 2021, nasa 94 porsiyento o 8,200 mula sa kabuuang 8,700 na mga dating gumagamit ng iligal na droga ang nakapagtapos ng iba’t ibang kurso mula sa nasabing ahensya.
“Ito ay sapat na patunay ng kahandaan ng mga dating drug dependent na makapagbagong-buhay. Mahalagang mapanatili ang suporta na ibinibigay sa kanila at palawakin ang saklaw nito upang isama ang skills training at productivity enhancement na maghahanda sa kanila na maging self-reliant at kwalipikado para sa makabuluhang trabaho,” sabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development.