PBBM ayaw ng hilaw na onion smuggling probe ng DOJ, NBI

Walang itinakdang deadline si Pangulong Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI sa pag-iimbestiga sa  smuggling ng sibuyas at iba pang produktong pang agrikultura.

Sa panayam kay Pangulong Marcos Jr., sa Pasay City, sinabi nito na ayaw niya kasi na magkaroon ng hilaw na imbestigasyon.

“Unang-una, hindi ako mahilig magbigay ng deadline. Siyempre gusto ko tapusin nila kaagad pero kailangan tapos hindi hilaw.  So, let them do their investigation. Wala naman partikular. Ang pinag-usapan – ang naging pagbasehan ‘yung naging problema na maliwanag na nagho-hoarding, na kinokontrol ang supply ng sibuyas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Isa ang VIEVA Group of Companies na sangkot umano sa smuggling ng sibuyas at iba pang uri ng produktong agrikultura ang tinutukan ngayon ng imbestigasyon.

Pagtitiyak ng Punong Ehekutibo, marami pang sindikato ang hahabulin ng gobyerno.

“Ngunit ang utos ko sa DOJ at saka sa NBI, ika ko sa kanila ay kailangan malaman ninyo na hindi lamang sa sibuyas kung hindi pa ‘yung mga sindikato – marami talagang sindikato eh na nag-o-operate pa para habulin na natin, matigil ‘yung kanilang ginagawa,” aniya.

Sabi pa niya: “At sa aking pananaw at sa palagay ko ‘yung mga abogado natin ay sasang-ayon naman siguro sa akin – ang sa aking pananaw, ‘yung kanilang ginagawa amounts to economic sabotage. Kaya’t ‘yun ang aming – ‘yun ang aming direksyon dito sa pag-imbestiga na ito.”

Pagtitiyak ng Pangulo, hindi pababayaan ng administrasyon na magutom ang mga Filipino.

“Kaya’t ‘yun ang aming – ‘yun ang aming direksyon dito sa pag-imbestiga na ito,. Kaya’t hindi natin basta’t pabayaan ito dahil may ginugutom na Pilipino, may namamatay from starvation and poverty ang Pilipino dahil sa kanilang ginagawa.  Kaya’t hindi maaari nilang ituloy ‘yung kanilang ginagawa. Tama na ‘yan at titigilin na natin ‘yung kanilang masasayang ginagawa dati,” dagdag pa ni Pangulong Marcos Jr.

Una nang sinabi ng DOJ na makikipag-ugnayan na rin ang kanilang hanay sa iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Customs (BOC), at Department of Agriculture (DA) para matumbok ang mga smuggler.

Bukod sa smuggling, tutukan din ng DOJ ang profiteering, hoarding at iba pang uri ng economic sabotage.

 

 

 

Read more...