Rescue op sa Las Piñas City POGO hub kinondena, ilang manggagawa nasaktan

PNP PHOTO

Kumakalat ngayon sa social media ang mga video nang operasyon ng pulisya sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Las Piñas City.

Kuha ang video mula sa isang gusali sa naturang hub at kapansin-pansin ang pananakit ng mga naka-unipormeng indibiduwal sa ilan sa mga sinasabing biktima ng human trafficking syndicate.

Nakarinig din diumano ng mga putok ng baril at patuloy na bineberipika na may tatlong POGO worker ang nasawi.

Sa mga kumakalat na impormasyon ang tatlong POGO worker ay pawang banyaga.

Unang ipinalabas ng pulisya na rescue operation ang isinagawa base sa mga ulat na ang mga POGO worker ay biktima ng human trafficking.

Itinanggi naman na ng PNP na may nasawi sa operasyon bagamat inamin na walong foreign nationals ang nasaktan sa pagsalakay sa Xianchuang Network Technology Inc., sa Alabang – Zapote Road, Barangay Almanza Uno.

Ayon sa PNP nagwala ang ilan sa mga banyaga nang mapansin na pakakawalan ang mga manggagawang Filipino.

Sa kumakalat na video may mga komento mula diumano sa kaanak ng mga manggagawa na hindi pa kumakain ang mga ito at may ilan na nakakaranas pa umano ng pisikal na pang-aabuso.

Kinukuestiyon din nila ang pahayag na “rescue operation”  sa 2,724 ang nailigtas, ang ginawa gayung walang manggagawa na nagrereklamo ukol sa kanilang trabaho.

Pinangunahan ng PNP – Anti-Cybercrime Group ang operasyon katuwang ang Inter-Agency Council Against Trafficking at PNP – Intelligence Group.

Read more...