METRO MANILA, Philippines — Naglabás ng samâ ng loób kamakailan si Mayor Janice Degamo ng Pamplona, Negros Oriental, ang biyuda ng pinasláng na Gov. Roel Degamo ng Negros Oriental kaugnay sa sunod-sunód na kontrobersyang nangyayari sa loób ng National Bureau of Investigation (NBI), na ang mga inmates ay malayang nakakalabas-masók ng kaniláng mga selda.
Naghayág din si Mayor Degamo, na parang waláng ideya ang NBI sa mga nangyayari, lalo na sa recantation o pagbawi ng mga testimoya ng mga suspek sa pagpatáy sa asawang gobernador.
Tinatanóng ni Degamo kung saán umabót ang P25 milyong suhol umanó sa mga suspek para magbago ang kaniláng testemonya.
Saád pa ni Degamo: “Huwag kamíng gawíng tangá dahil matatalino ang mga taga Negros Oriental.”
Isá itóng dahilan para maghanáp na ng ibang ahensya ng gobyerno si Degamo para maresolba ang kaso.
Bumabá na raw ang tingín ng marami sa NBI dahil sa bilanggóng si Dera at Miranda ay malayang naglalabas-masók ng selda at napupuntahán ang mga lugár na nais niláng puntahán.
Marami ang hindi makapaniwala sapagkat kilala ang NBI na pinamumunuan ni Director Medardo de Lemos, na malayo ito sa kabalbalan, ngunit tila natatapalan na ito ngayon ng salapi.
Tanong ng mamamayan, saan sila tatakbo at hihingi ng tulong sa usaping hustisya ngayong sangkot na umano ang NBI na pinamumunuan ni De Lemos ng korapsyon.
Matatandaan na ang drug suspect na si Jose Andrian Dera, ay nakulong sa NBI Detention Cell dahil sa kasong illegal na droga. Isa siya sa kasamang akusado ni dating Senador Leila de Lima. Nabuko ang paglabas-masok ni Dera sa NBI detention cell. Apat na beses siyang lumalabas sa selda kasama ang NBI guards.
Ang pinakahuling paglabas ni Dera makaraang makita na kumakain ito sa restoran ng isang five star hotel sa Makati. Bukod sa pagkain sa restaurant, natuklasan din na nagtungo si Dera sa Tagaytay, Subic, at isang resort sa Calatagan, Batangas, na iniskortan din umano ng NBI guards patungong Rizal kasama ang isang babae babae.
Nabuking ang paglabas masok ni Dera sa NBI cell dahil kay Atty. Baligod, abogado ng pamilya Degamo. At sinabi pa nitong siya ang nagbigay ng impormasyon sa NBI-NCR at NBI Task Force Against Illegal Drugs ukol sa mga aktibidad ni Dera.
Malaking tanong ngayon, kung saan at kanino napunta ang P25 milyong suhol umano sa mga suspek para iurong ang kanilang testimonya?
Alam kaya ito ni De Lemos, sapagkat kalat na kalat sa Bureau na kaibigan umano nito ang hepe ng Security Management Service na nare-assign lang sa Koronadal, Cotabato?
Ang ipinagtataka naman ng mga grupo ng mga abugado ay kung bakit hindi sinisibak si De Lemos dahil sa bukod sa expired na ito sa kanyang serbisyo bilang Director ng NBI gawa ng compulsory retirement ( 65 anyos na siya noong June 8, 2023) wala raw itong order mula sa Department of Justice na nagsasabing ang kanyang serbisyo ay extended o pinahaba.
Isinasaad din ng isang Memorandum mula sa opisina ng dating Presidente Duterte na may petsang February 18, 2021 kung saan ipinagutos nito ang mahigpit na pagsunod ng lahat ng sangay ng pamahalaan sa Republic Act 8921 o ang Government Service Insurance System Act “Which provides that the compulsory retirement age of government employees is sixty-five (65) years. As such, the extension of service of government officials and employees who have reached the compulsory retirement age will no longer be allowed”.
Irespeto natin ang ating mga batas. Hindi ang isang NBI Director De Lemos ang sisira ng isang batas na sinusunod ng lahat ng mga empleyado at opisyal ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas
“Out of delicadeza, NBI Director Atty. Menardo de Lemos resign” yan ang panawagan ng mga grupo ng abugado sa iba’t ibang sektor sa bansa.