Pinuri ni Magsasaka Party-list head Robert Nazal Jr. ang pagkakatalaga kay Senator Cynthia Villar bilang “Ambassador of the Women in Organic Agriculture in Asia.”
Ayon kay Nazal wala na siyang naiisip na ibang Filipino na labis-labis ang dedikasyon at pagsusulong sa organic farming sa bansa.
“We cannot think of any Filipino deserving of the position as Asia’s organic agriculture ambassador than Senator Villar given her passion for promoting organic farming as a suitable method to improve food security, which is one of the priorities of President Ferdinand R. Marcos Jr.,” aniya.
Napapanahon din ang pagtatalaga kay Villar ng International Federation of Organic Agriculture Movements (IFOAM)-Organics Asia at ng League of Organic Agriculture Municipalities, Cities and Provinces of the Philippines (LOAMCP) dahil sa pagtaas ng food inflation bunga na rin ng isyu sa suplay at mataas na halaga ng transportasyon.
Kinilala ng grupo ang mga ginagawa ng senadora para maisulong ang organic farming sa bansa.
Dagdag pa ni Nazal, iisa ang hangarin nila ni Villar para sa pagpapaunlad at pagpapabuti ng kalagayan ng mga magsasakang Filipino.
Si Nazal ang unang nominee ng MAGSASAKA Party-list, na nakakuha ng isang puwesto sa Kamara noong 2022 elections.
Hinihintay na lamang niya na maresolba ang isyu ng kanyang nominasyon sa Korte Suprema upang ganap na makapaglingkod bilang mambabatas upang maisulong ang mga programa para sa seguridad sa pagkain sa bansa, gayundin ang pagbuti ng kalagayan ng mga magsasaka.
Naganap ang pagkilala kay Villar sa 6th Organic Asia Congress sa Kauswagan, Lanao del Norte kamakailan.