Ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang kasong kriminal na isinampa laban kay dating PNP Chief Avelino Razon Jr.
Ngunit ibinasura naman ng anti-graft court ang inihain ni Razon na demurrer to evidence sa kinahaharap na apat pang kaso.
Ito ay may kaugnayan sa diumanoy maanomalyang P409.7 milyon na ibinayad para sa pagsasa-ayos at pagbili ng makina at spare parts ng 10 units ng V-150 Light Armored vehicles noong 2007.
Sa 272 pahinang resolusyon, tinanggap din ang inihaing demurrer to evidence nina P/Dir. Geary Barias, P/SSupt. Emmanuel Ojeda, P/SSupt. Reuel Leverne Labrado, P/Supt. Warlito Tubon, P/Supt. Rainier Espina, P/Supt. Henry Duque, P/CInsp. Analee Forro, NUP Eulito Fuentes, NUP Alex. Barrameda, at Oscar Madamba para sa Sandiganbayan case SB-13-CRM-0772.
Isinulat ang resolusyon ni Associate Justice Bayani Jacinto at sinang-ayunan nina Fourth Division Chairperson Michael Frederick Musngi at Associate Justice Lorifel L. Pahimna.
Nakabinbin naman ang mga kaso nina P/CSupt. Teodorido Lapuz IV, SPO4 Alfredo Lavina, Marianne Jimenez, Rasita S. Zaballero, at Artemio B. Zuniga hanggang sa sila ay maaresto at humarap sa korte.
Ang mga akusado ay inireklamo ng paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Revised Penal Code at R.A. No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act.