Ginawaran ng pardon ni United Arab Emirates President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan ang tatlong convicted Filipinos.
Dalawa sa tatlong convicted Filipinos ang nasa death row dahil sa kasong drug trafficking habang ang isa ay hinatulan naman ng 15 taon na pagkabilanggo sa kasong slander.
Sa pag-uusap sa telepono, nagpasalamat si Pangulong Marcos kay Sheikh Mohamed sa pagbibigay sa kanyang kahilingan na bigyan ng pardon ang tatlo may dalawang buwan na ang nakararaan.
Nabatid na si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang nagbigay ng magandang balita kay Pangulong Marcos matapos makatanggap ng mensahe mula kay UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi.
“Good evening Secretary. I am pleased to inform you that the appeal of President Ferdinand Marcos Jr. for three Filipinos, two of which are sentenced to death because of drug trafficking and 1 sentenced for 15 years for the crime of slander, has been granted for humanitarian pardon by our President H.H. Shiekh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan,” sabi ng UAE Ambassador kay Abalos.
Sa magkahiwalay na liham ni Pangulong Marcos kay Sheikh Mohamed noong Abril 27, hiniling nito na bigyan ng humanitarian pardon ang tatlo.
Kasabay nito, pinasalamatan din ng Pangulo Sheikh Mohamed dahil sa ipinadalang tulong para sa mga biktima ng Bulkang Mayon sa Albay.
Nagpadalaang UAE ng 50 toneladang food supplies at mga gamot.
Sinabi naman ni Sheikh Mohamed na malaking tulong sa UAE ang 600,000 Filipinos na nagtatrabaho sa UAE.
“I am thankful because you have done so much for us. That’s the least we can do. Then the usual things about having stronger relations and I said my part about the very good treatment of Filipino nationals in UAE,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Muling binigyan diin ni Sheikh Mohamed na ang imbitasyon kay Pangulong Marcos na dumalo sa 2023 United Nations Climate Change Conference sa Dubai sa Disyembre.
Inimbitahan naman ni Pangulong Marcos si Sheikh Mohamed na bumisita sa Pilipinas.