Fil-Indian itinurong ‘terorista’ ng kapatid dahil sa isyu sa pamana ng ama

FILE PHOTO

Lumala ang awayan sa pera ng magkapatid na Filipino-Indian nang isumbong ng isa na terorista ang kanyang kapatid kayat inaresto ng mga tauhan ng PNP – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Isinilbi kay Amith Prem Chandiramani ang isang search warrant sa kanyang bahay sa Dasmarinas City, Cavite kahapon ng hapon at diumano ay narekober ng mga pulis ang ilang baril at pampasabog. Ngunit sinabi nito na naniniwala siya na ang pag-aresto sa kanya ay base sa mga maling impormasyon na ibinigay sa mga pulis ng kanyang kapatid na si Rajiv. Sa pahayag ng kampo ni Chandiramani may matinding awayan ang magkapatid dahil iniwan na pamana ng kanilang yumaong ama, ang bilyonaryong si Prem Narandais. “Tiyak ko na may kinalaman si Rajiv sa gawa-gawang kaso na ito. Dahil gusto niyang masolo ang kayamanan na iniwan ng aming namayapang ama. Paano ako magiging terorista eh dito ako ipinanganak at lumaki sa Pilipinas? Nandito ang pamilya ko at mga kaibigan,” diin ni Chandiramani Pagbabahagi pa ni Chandiramani una na niyang inireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang kapatid na pakikipagkutsabahan sa kanilang ina para mailipat ang bilyong-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian na naiwan ng kanyang ama. Kasama sa pinag-aagawan na naiwan ng kanilang ama ay isang bahay sa Malibu City sa California US na inuupahan ng anak ni US President Joe Biden ng $20,000 kada buwan. “Maliwanag na pineke ang pirma ng tatay ko dahil paano niya mapipirmahan iyong mga dokumento na naglilipat kay Rajiv ng mga properties samantalang namatay na siya noong December 26,2011,” pagpupunto ng negosyante. Sa ngayon, pinag-aaralan na ni Atty. Boy Magpantay, ang abogado ng negosyante ang mga isasampang kaso ng PNP-CIDG para naman sa mga gagawin nilang legal na hakbang. Tumanggi si Magpantay na magbigay ng karagdagang detalye bagamat iginigiit nito na hindi terorista ang kanyang kliyente, bukod pa sa mapapagkatiwalaang indibiduwal.

Read more...