BuCor may bagong 454 corrections officers
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Sinaksihan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang ang pagtataposng 454 trainees para sa Corrections Basic Recruit Course sa New Bilibid Prison (NBP) parade ground sa Muntinlupa City ngayon araw.
Sa kanyang mensahe sa mga miyembro ng Class 20-2022 o MANDATOS (Mananatiling May Dangal at Tapat sa Organisasyon at Serbisyo), nagbilin si Catapang na mag-serbisyo ng may disiplina at dignidad.
“Gusto ko may disiplina kayo kasi part yan ng training nyo at dahil bayad yan ng sweldo nyo na galling sa pera ng taong bayan,” ani Catapang.
Ibinahagi niya na nagpapatuloy ang reporma sa kawanihan, hindi lamang sa mga bilanggo, kundi maging sa mga opisyal at tauhan ng kawanihan.
Sinabi pa ng opisyal na kung magiging kuwalipikado ang mga bagong Corrections Officers 1 (CO1s), pagkatapos ng anim na buwan ay ipo-promote niya ang mga ito na Corrections Officers 2 (CO2s).
Gagawin aniya ito para mapunan ang kakulangan ng BuCor ng mga mabubuting mamumuno.
Ang mga nagsipagtapos ay binubuo ng licensed criminologist, teachers, nurses, social workers, engineers, agriculturists, nutritionist, rad technicians, pharmacists, customs brokers, psychometricians, dalawang arkitekto, limang nagtapos ng Bachelor in Forestry, dalawang graduates ng Bachelor in Accountancy, isang graduate of Bachelor in Fisheries at isang nagtapos ng Bachelor in Law.
Ang mga ito ay maari nang italaga sa pitong prison at penal farms ng kawanihan.