Dapat magsilbing magandang halimbawa ang gobyerno at unang tumangkilik sa mga lokal na produkto.
Ito ang sinabi ni Sen. Sonny Angara at aniya ang mga unang dapat gamitin ng mga ahensiya ng gobyerno ay mga kagamitan na gawa sa Pilipinas.
Aniya sa ganitong paraan ay masusuportahan pa at uunlad ang lokal na industriya.
Sa pagdinig ukol sa Senate Bill No. 2218 o ang isinusulong na Tatak Pinoy Act, sinabi ni Angara na dapat ay magkaroon ng polisiya para sa suporta ng gobyerno sa mga lokal na industriya.
Inihalimbawa na lamang niya ang mga office furnitures na gawa sa bansa.
“Government should set an example, they should buy local. We need to have a policy in place wherein priority is given to local manufacturers in the procurement process,” dagdag ng senador.
Paliwanag niya at base sa Government Procurement Reform Act, pinapayagan ang pagkuha sa pinakamababang domestic bid basta hindi higit 15 porsiyento ang taas ng halaga sa pinakamababang foreign bid.
Ngunit aniya hindi ito sapat para mapaunlad ang lokal na industriya.
Sa pagdinig, nabanggit din ang hindi pagsuporta ng pribadong sektor sa mga produktong gawang-Pinoy.