Napabilang ang mga health frontliners ng lungsod ng Taguig sa mga unang naturukan ng Bivalent Omicron COVID 19 vaccines sa bansa.
Ang mga nabakunahan ay mula sa Taguig-Pateros District Hospital (TPDH), Medical Center Taguig (MCT), at Taguig Doctors Hospital (TDH).
“Dito sa Taguig ay ipinapakita natin ang ating kapasidad… at ang kahandaan nating makapagbakuna sa unang araw pa lamang ng pagdating sa atin ng ating mga bakuna,” ani Mayor Lani Cayetano.
Ang bakuna ay dagdag proteksiyon laban sa 2019 coronavirus at sa mga nagsusulputan variants ng sakit gaya ng Omicron. Isinagawa sa Taguig Mega Vaccination Hub sa Lakeshore, Barangay Lower Bicutan ang bakunahan.
Ipinaliwanag ni Taguig National Immunization Program Medical Coordinator Dr. Jennifer Lou Lorico-De Guzman, uunahing bakunahan ang mga nasa A1 group at Subgroup A1.1 to A1.2 o mga health workers at hospital based frontliners na edad 18 years old at pataas. alinsunod sa prioritization framework mula sa Department of Health (DOH).
Hiniling naman ni Cayetano mula sa health workers ang kanilang tulong para mapaliwanag pa sa mga mamamayan ng lungsod ang kahalagahan ng mga bakuna.