Maharlika Investment Fund bill pinirmahan ni Zubiri sa US

SENATE PRIB PHOTO

Pirmado na ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kontrobersyal na Maharlika Investment fund (MIF)  bill at ginawa niya ito sa Embahada ng Pilipinas sa  Washington, DC.

Bukod sa MIF bill, pinirmahan na rin ni Zubiri ang Estate Tax Amnesty Extension Act, at gayundin ang panukalang kilalanin ang Baler, Aurora, bilang “birthplace of Philippine Surfing.”

Nasa “working visit’ sa US si Zubiri dahil sa pakikipagpulong sa mga mambabatas ng US, gayundin sa mga ahensiya ng gobyerno ng Amerika.

Si Senate Secretary Renato Bantug ang nagbitbit ng mga kopya ng enrolled bills sa Washington.

“The Maharlika bill is a priority measure, and the Estate Tax Amnesty Extension is very time-sensitive. Marami nang naghihintay sa mga bills na ito.. Fortunately the enrolled copies were already prepared by the time Secretary Bantug was set to join us in Washington,” pagbabahagi nito.

Dagdag pa niya: “So he was able to bring them along with him, instead of letting them sit in the Senate waiting for my return, and I was able to sign them on Philippine soil, here in the embassy.”

Naging saksi sa pagpirma sina Philippine Ambassador to US Jose Manuel “Babe” Romualdez at Sen. Francis  Tolentino, na bahagi din ng working visit.

 

Read more...