Banyagang contractor, inisnab ang pagdinig ng Senado tungkol sa mga aberya sa IT platform ng LTO
By: Chona Yu
- 2 years ago
Inobliga ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga kinatawan ng Dermalog Identification Systems (Dermalog), ang banyagang information technology (IT) contractor ng Land Transportation Office (LTO) na dumalo sa susunod na pagdinig kaugnay ng mga iregularidad at aberyang kinahaharap ng Land Transportation Management System (LTMS).
Sa isinagawang pagdinig ng komite noong June 8, 2023, na pinangunahan ni Blue Ribbon chairman, Sen. Francis Tolentino, uminit ang ulo ng ilang Senador dahil sa hindi pagsipot ng mga Dermalog executives na nasa Germany umano ayon sa kanilang legal counsel. Ayon kay Committee on Public Services chairman, Sen. Grace Poe, at Sen. JV Ejercito, hindi nabigyang-linaw ang mga katanungan tungkol sa LTMS dahil walang resource person na sumasagot.
Giit ni Poe, pagkakataon din sana ang naturang hearing para linisin ng Dermalog ang kanilang reputasyon matapos lumabas ang ilang ulat na bukod sa LTMS ay may aberya din ang kanilang mga proyekto sa ibang bansa partikular na sa Indonesia, Angola, at Haiti.
Nag-ugat ang pagdinig sa magkahiwalay na resolusyon na inihain nina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Sen. Imee Marcos noong Agosto 2022 at Disyembre 2022. Pina-iimbestigahan ni Pimentel ang “undue payments” na ibinayad umano ng LTO sa Joint Venture Agreement (JVA) ng Dermalog, at local partners na Holy Family Printing Corp., Microgenesis, at Verzontal Builders, Inc., kahit hindi pa tuluyang nakukumpleto ang P3.14-bilyon Road IT Infrastructure project na nagsimula noong Mayo 2018. Pinagbasehan ni Pimentel ang 2021 audit report ng Commission on Audit (COA).
Sa kabila umano ng higit 70 isyung kinahaharap ng mga core applications ng LTMS ay tinanggap pa rin ito ng LTO at binayaran pa ang Dermalog ayon kay Pimentel. Ayon naman sa COA representative, nagsimula nang magbayad ang LTO ng maintenance fees noong 2019 kahit hindi pa kumpletong nai-tuturn over ang LTMS.
Binira naman ni Ejercito ang pagiging mapagbigay umano ng LTO dahil sa pag-adjust sa deadline pabor sa Dermalog ng higit sa 12 beses. Sinabi rin ng Senador na tinanggap ng LTO ang isinumite ng IT company kahit mababa sa 41 percent ang completion rate nito.
Paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr), nasa P2.31-bilyon pa lang ang kanilang naibabayad sa Dermalog. Naka-base umano ito sa ilang milestones na nakasaad sa kontrata.
Ibinunyag naman ng Verzontal Builders, Inc., isa sa local partners ng Dermalog sa JVA na may nakahain silang petisyon sa Court of Appeals (CA) upang muling buhayin ang arrest warrants laban sa apat na opisyal ng Dermalog na naunang inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 224 kaugnay ng kasong estafa na kanilang isinampa noong Setyembre 2021. Ayon sa Verzontal, hindi sila binayaran ng Dermalog kahit natapos na nila ang kanilang responsibilidad na nakasaad sa kontrata.
Pinag-usapan din sa naturang pagdinig ang Senate Resolution No. 348 ni Marcos tungkol sa paglabag umano ng LTO sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act nang hatiin sa dalawang component ang P8.2-bilyon automation project nang hindi dumadaan sa National Economic Development Authority – Investment Coordination Committee (NEDA-ICC).
Nagsasagawa na ngayon ng audit ang COA Information Technical Audit Office para malaman kung naayos na ang mga isyu ng LTMS na kanilang napuna sa 2021 audit report. Nakatakdang lumabas ang resulta ng audit ngayong buwan.
Nagbabala naman si Tolentino na kakasuhan niya ang legal counsel ng Dermalog kapag hindi dumalo sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng banyagang IT company. Nagpadala na rin ang Senate Blue Ribbon Committee ng subpoena sa ilang dating opisyal ng LTO at kinatawan ng Holy Family Printing Corp., at Microgenesis para obligahin silang dumalo sa susunod na pagdinig na ini-iskedyul pa ng komite.