Sumuko sa mga awtoridad sa Indanan, Sulu ang isang 13-anyos na Egyptian national, na kinikilalang sub-leader ng Abu Sayyaf Group.
Iprinisinta ni alias “Ibrahim” ang sarili sa 1103rd Infantry Brigade headquarters noong nakaraang Miyerkules.
Nabatid na naging miyembro ng teroristang grupo si Ibrahim noong 2017, noong siya ay 10-anyos lamang, nang dumating sila sa Pilipinas kasama ang kanyang amain, nanay at dalawang kapatid.
Napasabak na siya sa Basilan kasama ang grupo ni ASG leader Hatib Sawadjaan.
Ang kanyang nanay na si Reda Mahmud ay namatay noong Setyembre 8, 2019 matapos nitiong pasabugin ang sarili sa Barangay Kajatian sa Indanan.
Ang kanyang amain na si Abduramil at kapatid na si Abdurahman ay sumunod na namatay sa engkuwentro makalipas ang tatlong buwan sa Barangay Kan Islam sa Indanan.
Ang isa pa niyang kapatid na si Yusof ay napatay ng mga sundalo noong Abril 17, 2021 sa bayan ng Patikul.