Sen. Raffy Tulfo gustong madagdagan ang pondo ng DMW at OWWA
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Nangako si Senator Raffy Tulfo na isusulong ang dagdag na pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa.
Bukod dito, nangako rin si Tulfo na patuloy na ipaglalaban ang pagsasabatas ng Magna Carta of Seafarers na ngayon ay nasa 2nd reading na sa Senado.
Ang mga ito ay ipinangako ni Tulfo nang bisitahin ang OFWs sa Dubai kasama sina DMW Undersecretary Hans Cacdac, OWWA Administrator Arnel Ignacio, Ambassador Ferdinand Ver, at Philippine Consul General Renato Duenas Jr.
Kasama ni Tulfo ang ilang mga OFW na naging negosyante sa Dubai sa pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day at dumalo rin bilang panauhing pandangal sa isang basketball competition.
Binisita rin ng senador ang Migrant Workers Repatriation Center kung saan naabutan niya ang ilang OFW na nasa shelter at sumasailalim sa jewelry making bilang skills training na binibigay ng OWWA bilang paghahanda sa pagbalik sa Pilipinas.
Inirekomenda naman ng senador ang paglalagay ng dressing room at sariling locker ng bawat OFW sa shelter upang magkaroon ng privacy at ipinatatanggal ang CCTV sa isang sulok ng isolation room bukod pa sa pagdaragdag ng cooling fan sa dining area dahil sa sobrang init bukod sa karagdagang toilet at shower area.
Pagdidiin ni Tulfo ang mga OFW na napunta sa shelter ay nakaranas ng matinding krisis tulad ng pagmamalupit at pananakit kaya nararapat lamang na sila ay maalagaan ng maayos at mabigyan ng komportableng pansamantalang tahanan.