Mag-anak minasaker sa Negros Occidental
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Pinagbabaril ang isang magsasaka, gayundin ang kanyang misis at dalawa nilang anak sa Himamaylan City, Negros Occidental, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Rolly Fausto, 52; ang kanyang misis na si Emilda, 49 at anak nilang edad 15 at 11.
Sinabi ni Police LCol. Reynante Jomocan, hepe ng pulisya sa lungsod, ang masaker ay iniulat sa pulisya ng nakaligtas na anak na babae ng mag-asawang Fausto.
Nabatid na pinasok ang mga biktima sa kanilang bahay sa Barangay Buenavista bago pinagbabaril.
Si Emilda at ang dalawang anak ay natagpuan sa kanilang bahay, samantalang si Rolly naman ay nakita ilang metro ang layo.
Ayon pa kay Jomocan may mga kaanak ang mga biktima na mga rebeldeng-komunista at isa ito sa mga tinitingnan ng mga imbestigador.