Hinikayat ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na agad suriin ang mga gusali at imprastraktura kasunod ng Magnitude 6.3 earthquake kaninang umaga.
Sinabi ng namumuno sa Senate Committee on Public Works na kailangan matiyak na ligtas ang mga imprastaktura para naman matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Aniya sa tuwing may sakuna o kalamidad kailangan ang maagap na pagkilos at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Partikular niyang hinimok ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad tugunan ang anumang pangangailangan na idinulot ng lindol sa mga pampublikong imprastraktura, tulad ng mga kalsada, tulay at gusali.
At sabi pa ni Revilla na agad ayusin ang anumang pinsala na idinulot ng lindol para matiyak ang integridad ng imprastraktura.
Bukod dito, dapat din aniya tukuyin ng DPWH ang mga dapat na palitan o ayusin para mapaglaanan ng pondo sa susunod na taon.