90-day relief assistance sa Mayon evacuees sagot ng national government
By: Chona Yu
- 2 years ago
Babalikatin ng pambansang gobyenro ang 90-day relief assistance sa mga evacuees dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ito ay para mabawasan na ang alalahanin ng mga local government units.
“Let us be prepared to take as much of the load as soon as possible off of the local government units para naman mayroon silang – malay natin magkabagyo pa, may mangyari pa, para mayroon silang reserba pa. Hindi natin uubusin ‘yung kanilang quick response fund, number one,” pahayag ng Pangulo sa pagbisita niya sa Legazpi City.
Dagdag pa niya; “Number two, we should use as a working number: a minimum of 45 days. The 45 days to 90 days comes from both the science of DOST and the experience of the locals. Noong tinatanong natin sa kanila ‘usually papaano ito?’ Iyon na nga, 45 to 90 days. Kaya’t iyon ang gagamitin natin na working number.”
Tiniyak naman ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian na nagpadala na ang DSWD ng 153,000 food packs na sasapat sa 90 araw
Bago ang situation briefing, binisita muna ng Pangulo ang mga evacuees na nasa Guinobatan Community College.
Nasa P29. 2 milyong halaga ng ayuda naman ang ibinigay na ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol Region, DSWD, Philippine Red Cross, Ang Probinsyano Partylist, local government units (LGUs), private groups at non-government organizations.
Samantala, nasa P50 milyong halaga ng ayuda ang ipinamigay ni Marcos Jr. sa mga evacuees sa pagbisita niya sa Albay.
Iniabot ng Pangulo sa mga alkalde ng mga bayan, Camalig, Guinobatan, Malilipot, Santo Domingo, Ligao City, at Tabaco City ang tulong-pinansiyal.
Ang pondo para sa 5.016 na pamilya o 17,941 katao na nasa 22 evacuation centers.
“Kami ay nandito upang tiyakin na lahat ng pangangailangan ng mga evacuees. Tinitingnan nga namin na ‘yung response ng national government ay sapat at makausap din kayo, ang mga evacuees, kung ano ‘yung mga inyong pangangailangan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Utos ng Pangulo sa ibat ibang tanggapan ng pamahalaan, tiyakin na natutugunan ang pangangailangan ng mga evacuees tulad ng pagkain, tubig, gamot, sanitation kits at iba pa.