10 boya na inilatag sa West Philippine Sea kumpleto pa – PCG

Walang nawawala sa 10 boya na inilagay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ito ng PCG matapos maglabasan ang mga ulat na inalis ng mga mangingisdang Chinese ang dalawang boya na inilagat sa  Balagtas Reef at Juan Felipe Reef.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for West Philippine Sea, base sa isinagawang Maritime Domain Awareness (MDA) flight, nabatid na walang boya ang nawawala.

Isang Cessna caravan 2081 ang nagsagawa ng MDA  flight sa Palawan kahapon.

“Wala po tayong nawawalang boya sa West Philippine Sea; all accounted for ang atin pong sampung boya,” pahayag ni Tarriela.

Sabi ni Tarriela, walo sa 10 boya ay ibinagsak sa maritime features na abot tanaw ng mga sundalo  at PCG tulad sa Lawak, Likas, Patag, at  Pag-asa Shoal.

Araw araw aniya namomonitor ng mga sundalo ang mga boya at nagsusumite ng report sa Coast Guard personnel kung nasa lugar pa ang mga ito.

Maliban na lamang aniya sa bahagi ng Balagtas Reef at Julian Felipe dahil walang command post ang PCG.

Pag-amin ni Tarriela, saka lamang mamomonitor ang boya sa dalawang lugar kapag nagsagawa ng MDA at maritime patrol ang PCG

Wala naman aniyang dapat na ipag alala ang taong bayan dahil mayroon namang GPS capabilities ang mga boya.

“The moment na mabunot siya sa kaniyang location, iyong GPS locator na nandito sa mga boya na ito, we would know, mamu-monitor natin na halimbawa tinangay siya ng alon or may kumuha sa kaniya dahil may GPS locator ito ay malalaman natin sa Philippine Coast Guard ‘no na binunot ito or pinadpad ng alon,” pahayag ni Tarriela.

Read more...