Inadopt na ng Kamara sa bicameral conference committee meeting ang bersyon ng Senado sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Tumagal lamang ng 20 minuto ang pulong sa bicam sa Manila Golf & Country Club sa Makati City.
Sa bicam ay nagmosyon si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Irwin Tieng, Chairman ng panel ng Kamara, na tinatanggap nila “in principle subject to style’ ang bersyon ng Mataas na Kapulungan sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Dahil tinanggap na ng Kamara ang kabuuang bersyon ng panukalang MIF ng Senado ay iaanunsyo sa sesyon ngayon ang pag-adopt dito ng Mababang Kapulungan at kapag naratipikahan ay diretso na ito sa Office of the President sa Malakanyang para malagdaan.
Sa bicam kanina ay parehong dumating sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez para saksihan ang pulong.
Samantala, bago magsimula ang pulong ay kumpyansang sinabi ni Sen. Mark Villar, ang sponsor ng panukala at namumuno sa Senate Committee on Banks, ma may sapat na safeguards na inilagay ang Kongreso para matiyak na bantay sarado at malayong maabuso ang Maharlika fund.
Inaasahang bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ay nalagdaan na ang panukala para sa sovereign wealth fund.