Bilang bahagi ng ipinatutupad na reporma sa kawanihan, 50 opisyal at tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sumailalim at nakatapos sa leadership seminar sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ang mga “completers” ay kabilang sa 700 BuCor personnel na tinanggal sa maximum security compound dahil sa ibat-ibang paglabag.
Sumailalim sila sa leadership seminar sa pamamagitan ng Master’s Lighthouse Foundation sa pangunguna ni Anthony Pangilinan.
Sinabi ni BuCor Dir. Gen. Gregorio Pio Catapang layon ng seminar na maibalik ang dedikasyon at katapatan sa kanyang mga opisyal at tauhan sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
“Kahit anong pagbabago ang gagawin natin at kahit anong tino ng isang leader kung yung values ng mga tao natin ay hindi natin naitatama, walang mangyayari, kaya talagang kailangan nating gawan ng paraan para maibalik natin yung tamang pag-uugali. Umpisa pa lang ito ng series of seminars para sa ating mga personnel,” ani Catapang.
Dagdag pa ng opisyal, kailangan na ipaalala sa kanila ang mga regulasyon at polisiya na kailangan nilang sundin para maayos na magawa nila ang kanilag mga responsibilidad.