Binawi na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang contempt order laban kay Police Captain Jonathan Sosongco at sa limang pulis na unang itinurong kabilang sa mga umaresto kay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.
Si Sosongco, ang natanggal na pinuno ng PNP-Drug Enforcement Unit-Special Operations Unit 4-A.
Unang na-contempt ng komite si Sosongco, isa sa mga pinakakasuhan sa pag-cover up kay Mayo, dahil sa umano’y pagsisinungaling matapos nitong sabihin sa komite na hawak niya ang ‘informant’ sa ikinasang operasyon pero kalaunan ay wala itong matukoy na pangalan.Samantala, sina Police MSgt. Carlo Bayeta, Pat. Hustin Peter Gular, Rommar Bugarin, Hassan Kalaw at Dennis Carolino na na-cite in contempt noong nakaraang linggo ay kinaladkad naman ni Sosongco na kasama sa pagdakip kay Mayo.
Sa pagdinig ngayong araw, nilinaw ng limang pulis na hindi sila masasama at hindi talaga sila kasama sa paghuli kay Mayo na kalaunan ay kinumpirma naman ni Sosongco at inamin nitong idinamay lamang niya ang mga bagitong pulis.
Dahil dito, nagmosyon sina Committee Chair Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Jinggoy Estrada na i-lift o bawiin na ang contempt order ng anim na pulis matapos na magsabi na ng katotohanan ngayon.
Samantala, ang dalawang pulis na nagtakas ng 42 kilos ng shabu na sina Police MSgt. Jerrywin Rebosora at Police MSgt. Lorenzo Catarata ay ipinababalik naman sa kustodiya ng Senado kung saan ang mga ito ay inaasahang nakakulong hanggang sa mag-break ang sesyon ngayong linggo.