Wala pang isang taon sa puwesto si Pangulong Marcos Jr., ngunit may dalawa nang napili ang mayorya sa mga Filipino na susunod sa kanya sa 2028.
Base sa resulta ng Tangere presidential survey, sina Vice President Sara Duterte at Sen. Raffy Tulfo ang nangunguna kung ang eleksyon ay idadaos ngayon.
Nabatid na 39 porsiyento o halos apat sa bawat 10 Filipino ang pinili si Duterte, na umaakto din kalihim ng Department of Education (DepEd).
Mayorya ng mga pumili kay Duterte ay mula sa Mindanao, Visayas, Northern Luzon at Central Luzon.
Sumunod sa kanya si Tulfo, na pinili ng 30 porsiyento.
Sinundan sila nina dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso (9%), dating Vice President Leni Robredo at Sen. Grace Poe (8%).
Nakakuha naman ng mababa sa dalawang porsiyento sina Sen. Imee Marcos, dating Sen. Manny Pacquiao at si Speaker Martin Romualdez (1%).
Isinagawa ang survey noong Mayo 22 hanggang 24 ilang araw lamang nang kumalas si Duterte mula sa partido Lakas-CMD.