Ibinahagi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang na habang hinaharap nila ang mga hamon ay nadadagdagan pa ang mga isyu na bumabalot sa kawanihan.
Aniya kasabay nang paghahanap nila ng mga solusyon ay nagsusulputan naman ang ibang isyu.
Ngunit pagtitiyak ng dating namuno sa Armed Forces of the Philippines (AFP) hindi sila panghihinaan ng loob, bagkus ang mga bagong hamon ang nagbibigay sa kanila ng lakas upang dahan-dahan na maresolba ang lahat.
Sinabi nito na kabilang sa mga bagong lumalantad na isyu ay bunga ng pamumuno ng nagdaang-administrasyon ng BuCor.
Prayoridad aniya nila ang tunay na reporma hindi lamang sa hanay ng mga pinangangalagaan nilang persons deprived of liberty (PDLs), kundi maging sa hanay ng kanilang mga opisyal at kawani.
Nabanggit ni Catapang na nagkaroon na siya ng pagkakataon na mailatag kay Pangulong Marcos Jr., ang sitwasyon at kanyang mga plano para sa kawanihan at nakuha niya ang suporta ng Punong Ehekutibo.
Kabilang sa prayoridad ng kawanihan ay ang paglilipat ng libo-libong bilanggo na nasa pambansang piitan ngayon sa Muntinlupa City kayat pursigido sila sa pagkakaroon ng regional at provincial BuCor facility.
Kumpiyansa si Catapang na maisasakatuparan ito sa tulong ng Kongreso at pambansang gobyerno sa pagsuporta sa binabalak na gawing BuCor Global City ang NBP.
Isa din aniya sa malaking plano nila ay gawing “food hub” ang bahagi ng kasalukuyang pambansang piitan para makatulong sa seguridad sa pagkain sa bansa.