Parusa sa mga sinungaling sa Congress’ hearings nais pabigatin ni Robin

SENATE PRIB PHOTO

Binabalak ni Senator Robin Padilla na maghain ng panukalang batas na ang layon ay bigatan ang parusa sa mga magsisinungaling sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng Kongreso.   Sinabi ito ng senador matapos ang mga pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa tangkang cover-up sa kaso ng pulis na nakumpiskahan ng higit P6.7 bilyong halaga ng shabu noong nakaraang taon. Sa dalawang pagdinig, ilang pulis ang na-contempt dahil sa pagsisinungaling sa komite ni Sen. Ronald dela Rosa. Diin ni Padilla, hindi siya kuntento sa kasalukuyang batas tungkol sa perjury.   Nakasaad sa Republic Act 11954 o ang bagong Perjury Law, na naipasa noong 18th congress, ang parusa na sa pagsisinungaling sa testimonya ay may parusang anim hanggang 10 taon na pagkakakulong.   Ang mga opisyal naman ng gobyerno na makakasuhan nito ay pagmumultahin ng isang milyong piso at otomatikong diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa pamahalaan.   Para sa baguhang senador, dapat ay mas mabigat pa dito ang parusa, lalo na sa mga alagad at tagapagpatupad ng mga batas.   Kabilang sa mga pinapanukala ng senador, na kapag ang isang tagapagpatupad ng batas ay napatunayang nagsinungaling ay dapat agad itong matanggal sa serbisyo at singilin ng kung magkano ang ginastos sa kanila ng taumbayan.   Hindi rin aniya kasong kriminal lang ang ipataw kundi dapat ay maharap din sa kasong sibil.   Nais rin ng mambabatas na ang mga pinapa-contempt ng Senado ay sa city jail na ikulong sa halip na sa loob mismo ng Senado kung saan naka-aircon at mas komportable pa ang kanilang kalagayan.

Read more...