Dahil sa nararanasang krisis sa kuryente sa ilang bahagi ng bansa, hinikayat ni Senator Lito Lapid ang mga sambahayan na may kakayahan na magkabit ng solar panels. Inihain ni Lapid ang Senate Bill No. 2138, na layon mapadali ang pagkakabit ng solar panel system sa mga bahay patungo sa national grid. “Ang panukalang batas na ito ay magbibigay ng mga karagdagang insentibo para sa ating mga kababayan na gumamit ng Renewable Energy sa kani-kanilang mga tahanan. Kung mapadali natin na maikabit sa national grid ang mga residential solar panel, mabibigyan din ng pagkakataon ang ating mga kababayan na makatulong solusyonan ang krisis sa kuryente kahit sa maliit na paraan,” paliwanag ni Lapid Dagdag katuwiran pa ng senador, makakatulong ito para mapalawak ang produksyon ng Renewable Energy sa bansa. Pinapayagan ng gobyerno ang net metering system para mahikayat ang sambahayan at mga negosyante na mag-generate ng Renewable Energy kaakibat ang pagbibigay ng insentibo, gaya ng pagbawas sa konsumo ng kuryente o bayad sa kanilang nalikhang enerhiya. Ayon pa kay Lapid, hindi lang matutulungan nito ang mga konsyumer na maibsan ang mataas na konsumo sa kuryente kundi madadagdagan pa ang produksyon ng suplay ng enerhiya sa bansa. “Sa tamang sistema, kahit pumalya ang national grid sa anupamang kadahilanan ay merong back-up ang mga konsyumer sakaling mag-brownout dahil libre naman ang sikat ng araw,” sabi pa nito.