Sa halos isang buwan na pagkasa ng Chikiting Ligtas campaign, higit walong milyong sanggol at bata ang nabakunahan kontra tigdas at polio. Base sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), 6,750,475 ang naturukan ng bakuna kontra tigdas at ito ay halos 70 porsiyento ng mga maaring mabakunahan. Samantala, 2,024,747 naman ang naturukan ng anti-polio vaccine o 62.72 porsiyento ng target ng kagawaran. Sa kabuuan, 8,775,222 ang nabakunahan sa ilalim ng Chikiting Ligtas campaign. “Nagbibigay tayo ngayon ng bakunahan kontra tigdas, rubella, at polio para sa mga kabataan na wala pang kahit anong bakuna o ‘di kaya may partial lamang na bakuna laban sa mga sakit na ito,” ani Health OIC Maria Rosario Vergeire. Nagsimula ang kampaniya noong Abril 27 at magtatapos sa Mayo 31.