Ikinukunsidera ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Société Générale de Surveillance SA (SGS) na magsagawa ng pre-shipping inspections para masawata ang smuggling sa agricultural goods sa bansa.
Ayon sa Pangulo, sa ganitong paraan din masisiguro ang kaligtasan ng public consumption.
“This scheme would minimize smuggling. It will be essentially…pre-shipping inspection,” pahayag ni Pangulong Marcos matapos ang pakikipagpulong kay SGS Vice President George Bottomley at Managing Director Cresenciano Maramot sa Palasyo ng Malakanyang.
“Ibig sabihin, bago pa isakay ‘yung produkto sa barko doon sa pinanggagalingan, inspeksyunin na nila para sasabihin nila, ‘totoo ito, tama ang timbang, tama ang quality, tama ang nasa record na pinanggalingan’ — all of these items. Para hindi na natin kailangan gawin dito sa Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.
Sabi ng Pangulo, palalawigin niya ito para masaklaw ang agricultural invoices upang matiyak na bayad na ang shipment bago pa man dumating sa mga eroplano o mga barko ang mga produkto.
Kinakailangan din ayon sa Pangulo na magsagawa ng cost analysis.