11-14 bagyo posibleng pumasok sa PAR sa Hunyo – Nobyembre

INQUIRER PHOTO

Kasabay ng posibleng pagkakaroon ng El Niño sa Pilipinas, tinatayang  11 hanggang 14 bagyo ang mamumuo o papasok sa Philippine area of responsibility simula sa susunod na buwan hanggang sa Nobyembre, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni PAGASA-Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis maaring isa o dalawang bagyo ang maranasan sa bansa sa Hunyo, tatlo o apat sa Hulyo hanggang Oktubre at isa o dalawa sa Nobyembre.

Ang mga papasok na bagyo, sabi pa ni Solis, ay maaring hindi direktang makaapekto sa bansa, may tatama sa kalupaan at tatawid sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Malaki ang posibilidad na magsimula ang El Niño sa susunod na dalawang buwan at tatagal hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024.

Binanggit ni Solis na bago magsimula ang El Niño maaring makaranas ng “above-normal rainfall” dahil sa habagat.

Dagdag pa niya na base sa kasaysayan simula 1960 hanggang 2021, tuwing may El Niño mas maraming bagyo ang pumapasok sa bansa sa buwan ng Hulyo.

 

Read more...