Tulfo: Defense structure laban sa cyber attacks kailangan
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Iginiit ni Senator Raffy Tulfo ang pangangailangan na bumalangkas ng mas malakas na defense measures para sa mga critical information infrastructure institutions laban sa cyberattacks at malicious actors na nagnanakaw ng mga impormasyon at e-money. Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology, ipinaalala ni Tulfo ang mga nakalipas na online hacks at scams sa GCash at Landbank of the Philippines, gayundin ang massive data breach na nakaapekto sa 1.2 million records ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Internal Revenue (BIR). Diin ng senador, kailangan nang tutukan ang lumalalang banta mula sa mga cybercriminals na patuloy na nagiging sopistikado sa pagsasagawa ng mga malisyosong aktibidad. Ipinaalala ni Tulfo na ang katatagan ng ekonomiya, maging ang national securiry at privacy ng mamamayan ay nakadepende sa proteksyong ibibigay ng gobyerno sa critical information infrastructure. Samantala, nangako si Sen. Alan Peter Cayetano na babalangkas ang Senado ng mga batas upang paigtingin at padaliin ang e-governance sa bansa. Gayunman, ipinaalala ng senador na magkakonekta ang interconnectivity ng internet at implementasyon ng E-Governance. Kaya dapat din anyang matiyak na matapos silang makabuo ng batas ay maipatutupad ito nang maayos upang maging epektibo.