Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga magulang na pabakunahan ang mga bata.
Ito ay para magkaroon ng proteksyon ang mga bata laban sa ibat ibang uri ng sakit gaya ng tigdas, rubella at polio.
“Bakuna ang pinakamabisa at pinakamatipid na paraan para maprotektahan ang ating mga anak. Kaya bawat eskinita at kalye sa ating lungsod ay sinusuyod ng ating mga health worker para masiguro na bawat bata ay bakunado at protektado mula sa mga vaccine-preventable diseases,” pahayag ni Belmonte.
Nabatid na naglunsad na ang Quezon City Health Department katuwang ang Department of Health ng Chikiting Ligtas vaccination program sa Barangay Bahay Toro.
Nagtayo na rin ang city health department ng temporary vaccination posts sa mga palengke at mga covered courts.
May house-to-house inoculation activities na rin para sa mga bata.
Target ng lungsod na mabakunahan kontra tigdas ang may 230,347 na bata na nag-eedad limang taong gulang pababa o 0 hanggang 59 buwan.
Nasa 270,977 naman ang target na bigyan ng oral polio vaccine para sa mga bata nae dad limang taong gulang pababa.
“Kahit matatapos na itong Chikiting Ligtas vaccination activity ngayong Mayo, hindi titigil ang lokal na pamahalaan para bakunahan at protektahan ang ating mga anak mula sa mga sakit na pwede namang maiwasan sa tulong ng mga bakuna,” pahayag ni Belmonte.