Pagsasa-ayos ng Central Post Office hahanapan ng pondo – Angara

Kikilos ang Senado para hanapan ng pondo ang restoration ng nasunog na Manila Central Post Office.   Ayon kay Sen. Sonny Angara, nagpadala ng mensahe si Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan iginiit nito na kailangang magtulungan ng Senado at ng Department of Budget and Management (DBM) para mahanapan ng pondo ang pagsasaayos ng post office.   Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Finance, isang ‘national treasure’ ang natupok na gusali dahil likha ito ng national artist na si Juan Arellano dahilan kaya mahalagang maayos  ang gusali na bahagi na ng kasaysayan ng bansa.    Samantala, nanawagan naman si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa mga awtoridad na masusing imbestigahan ang insidente upang hindi na maulit sa iba pang makasaysayang istraktura.   Binigyang diin ng senadora na kailangang mabigyan ng proteksyon ang mga historical sites lalo na ang mga mahahalagang arkitektura/   Lubos namang ikinalungkot ni Legarda ang insidente ng sunog sa Manila Central Post Office na isa sa itinuturing na historic buildings sa bansa at idineklara pang Important Cultural Property (ICP).   Ang nasabing post office ay itinayo noong 1926 na isa sa pinakamatanda at pinaka ‘iconic structures’ sa Pilipinas na malaking parte na ng kasaysayan at nalagpasan na ang maraming kalamidad lalo na ang digmaan sa Maynila noong World War II.

Read more...