Naobserbahan ng isang grupo ng mga pribadong ospital sa bansa ang pagdami ng mga pasyente ng COVID 19 na ipinapasok sa mga ospital.
Ibinahagi ni Dr. Jose de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI), na napuna nila na sa nakalipas na mga araw ay may dahan-dahan na pagdami ng mga tinamaan ng COVID 19 ang na-connfine sa private hospitals.
Paglilinaw lang niya na hindi biglaan ang paglobo ng kanilang mga pasyente at hindi puno ang kanilang mga ospital.
Aniya ang COVID-19 bed occupancy rates sa ilang ospital ay humigit na sa 20% at 50%.
Kabilang ang Metro Manila sa mga may pinakamataas na bilang ng mga naospital dahil sa COVID 19, bukod sa Western Visayas at Davao Region.
Hanggang kahapon ang aktibong kaso sa buong bansa ay 16,504, ayon sa Department of Health (DOH).