Sa labis labis na pagkadismaya, sinabihan na ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ilang pulis na dumalo sa pagding sa Senado na pawang “walang b.y.g.” Bago ito, piniga ni dela Rosa, ang namumuno sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang mga pulis kung saan nagmula ang impormasyon ukol sa pagkakasangkot ni dismissed Police Sgt. Rodolfo Mayo Jr., sa droga. Layon ng pagdinig na malinawan ang sinasabing “cover up” sa halos isang tonelada ng shabu na nakumpiska sa pag-iingat ni Mayo noong nakaraang taon. Sinubukan din nina Sens. Jinggoy Estrada, Raffy Tulfo, Bong Revilla Jr., at Robin Padilla na mapiga ang mga pulis, ngunit wala din silang nakuha dahil nagturuan o nagpasahan lamang ang mga ito. Sa dakong huli, na-cite for contempt si Police Capt. Jonathan Sosongco, ang team leader ng mga humuli kay Mayo. Ayon kay dela Rosa alam niya na may mga nagsisinungaling at may inililihim ang mga pulis, ngunit si Sosongco ang lumalabas na pinaka-sinungaling kayat ipinaaresto at ipinakulong ito ng komite sa Senado. Halos wala rin nakuhang konkretong impormasyon si dela Rosa kina P/ Brig. Gen. Narciso Domingo, P/ Lt. Col. Arnulfo Ibañez, at P/ Col. Julian Olonan kayat napagsabihan na sila ng senador na pawang walang b…g. Samantala, si Mayo naman ay panay giit ng “right against self-incrimination” at “right to remain silent” kayat wala din napala sa kanya ang komite.