75 mag-aaral sa Maguindanao bagsak sa insecticide

UPI LGU FB PHOTO

Mula sa kanilang silid-paaralan, diretso na sa ospital ang 75 mag-aaral sa Upi, Maguindanao.

Pinaniniwalaang lubhang naapektuhan ang mga mag-aaral ng insecticide na ginamit sa mga puno ng niyog sa likurang bahagi ng Mirab Elementary School sa Barangay Mirab.

Nasa kalagitnaan ng kanilang mga klase ang mga bata nang mag-spray sa mga puno ng niyog, Miyerkules ng umaga.

Kasunod nito ay nakaramdam na ng matinding pananakit ng tiyan, pagkahilo at nagsusuka na ang mga bata.

Sinabi ni Mayor Rona Piang-Flores isinugod ng mga guro at magulang ang mga bata sa Datu Blah Sinsuat District Hospital sa Barangay Poblacion.

Aniya pinagsabihan sila ng mga doktor na makakabuti na manatili muna sa ospital ang mga biktima para sila ay lubos na maobserbahan.

Sinuspindi na rin ni Flores ang mga klase sa naturang paaralan.

 

Read more...