Matapos iparamdam ang kanyang galit at paghingi ng paliwanag kahapon, nagtungo kaninang hapon ang mga matataas na opisyal ng GCash sa Senado para ipaliwanag ang mga napa-ulat na pagkawala at pagkabawas ng pondo sa e-wallet ng maraming account holders.
Kabilang sa mga nakipagkita na Gcash executives kay Revilla sina Gilda Maquilan, ang namumunoo sa Corporate Communication and Public Affairs; Winsley Bangit, CEO GCash New Business; Gilbert Escoto Chief- Legal; Avery Anatalio- Counsel; at Stephanie Lozada- Head-Contracts Management.
Gayundin sina Yoly Crisanto- Chief Corporate Comm and Sustainability, Liza Reyes Corp Comm Head, Jomel Gonzaga-Media Relations Officer at Patricia Garcia Corp Comm, pawang taga Globe Telecom.
“Hindi personal ang galit ko, nabahala lang ako sa sinapit ng ating mga kababayan dahil perang pinaghirapan ‘yan tapos mawawala lang, hindi naman sapat na basta lang sasabihin na ibabalik ang nawalang pera dahil mahalagang malaman ng mga users kung bakit nangyari na napunta sa ibang mga bank accounts ang kanilang pera” paglilinaw ni Revilla.
Nangako umano ang mga opisyal ng GCash na hindi na mauulit ang insidente, na nagsimula noong Lunes ng gabi hanggang kahapon ng hapon, dahil sa mga pagbabago sa kanilang sistema.
“Hindi sila (G-Cash) dapat sa akin magpaliwanag, kung hindi sa publiko na natulog lang tapos paggising ay balot na ng takot dahil sa pagkawala ng kani-kanilang pera, magkagayun man ay aasahan natin ang kanilang pangako na aayusin na nila ang problemang ito at sana totoong kanilang tutuparin,” saad ng senador.
Magugunita na kahapon sa sesyon kinalampag ni Revilla ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iginiit na dapat ay magkaroon ng konkretong panuntunan para sa maaasahan at malinaw na serbisyo ng e-wallet providers.