Kinatigan ng korte ng Manila Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 12 ang pagpapalayas ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa magkapatid na Angel Manalo at Lottie Manalo-Hernandez sa kanilang compound sa Quezon City.
Nakasaad sa desisyon ni Judge Ann Sia na iligal na ang paninirahan ng mga kapatid ni INC chief Eduardo V. Manalo sa nasabing compound sa Tandang Sora, Quezon City dahil pinatalsik na rin sila sa sekta.
Paliwanag ng abogado ng INC na si Moises Tolentino, nawalan na ng karapatan sina Angel at Lottie na manirahan doon nang ma-expel na sila sa INC noong nakaraang taon dahil sa mga paglabag sa doktrina ng kanilang simbahan.
Isinalaysay rin ni Tolentino na ang kautusan ng korte ay na dapat na lisanin agad ng mga pinatalsik na miyembro ang kanilang tinitirhan sa compound at ipaubaya na ito sa INC.
Sakali naman aniyang hindi pa sumunod sina Angel at Lottie, mapipilitan na silang maghain ng motion for execution.
Matatandaang pinatalsik ng INC sina Lottie at Angel noong nakaraang taon matapos silang lumabas sa publiko at magsabing nanganganib ang kanilang buhay kasunod ng mga pagdukot sa ilan sa kanilang mga ministro.