Drop-off at pick-up points, itatalaga na ng MMDA para sa mga estudyante ng Ateneo

 

Mula sa motioncars.inquirer.net

Magkakaroon na ng solusyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Ateneo de Manila University (AdMU) sa matinding trapik na nararanasan sa Katipunan Avenue sa Quezon City tuwing araw ng pasukan.

Pipirma ang dalawa ng memorandum of agreement (MOA) na maglulunsad sa tatlong drop-off at pick-up points para sa mga estudyante, guro at mga empleyado ng AdMU para maiwasan na ang build-up ng traffic sa kanilang lugar.

Ayon kay MMDA Traffic Discipline Office head Cris Saruca, pipirmahan nila ang kasunduan isang araw bago ang aktwal na paglulunsad ng mga nasabing drop-off at pick-up points.

Sa ilalim ng kasunduan, ang mga magiging drop-off at pick-up points ay sa Temple Drive, UP Ayala Techno Hub sa Quezon City at SM Marikina sa Marikina City.

Magbibigay ng libreng bus at shuttle services ang Ateneo papunta at pabalik sa mga nasabing transport hubs upang maiwasan na ang napakaraming sasakyan sa Katipunan at maging sa loob ng campus.

Tuwing rush hour kasi sa umaga, nasa 5,000 pribadong sasakyan ang tinatayang pumapasok sa campus ayon sa MMDA.

Una nang iminungkahi ni MMDA Chairman Emerson Carlos ang pagkakaroon ng mga shuttle service sa mga paaralan na susundo at maghahatid sa mga estudyante at empleyado papunta at pabalik sa mga itatalagang drop-off points.

 

Read more...