Chairman ng Suffrage and Electoral Reforms ng Kamara, tutol sa balak na mall polls

Inquirer file photo

Malamig si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Fredenil Castro sa plano ng Commission on Elections o Comelec na magdaos ng botohan sa shopping malls, sa 2016 Presidential Polls.

Katwiran ni Castro, kung tutuusin ay hindi ilegal sakaling ituloy ng Comelec ang balak nito na maglagay ng polling precints sa mga mall.

Gayunman, inamin ni Castro na may reservations siya sa mall elections, lalo sa isyu ng kontrol sa loob ng mga shopping mall.

Inihalimbawa ng kongresista na kung gagawin sa mga mall ang botohan, masyadong maraming tao na labas-masok dito at maaaring mawawala ang “focus” ng mga botante sa halalan.

Babala pa ni Castro, baka gamitin sa “political operations” ng mga kandidato sakaling idaos nga sa malls ang botohan.

Inirekomenda naman ni Castro sa Comelec na sa halip na sa shopping malls, mas mainam na kausapin nito ang private schools, bilang dagdag na presinto sa karaniwang mga silid aralan ng mga pampublikong paaralan./ Isa Avendaño-Umali

Read more...