Ikinalugod ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang plano ng Moderna na magpatayo ng vaccine production facility sa bansa.
Ito ay matapos ianunsyo ng Malakanyang na plano ng Moderna na magtayo ng Shared Service Facility for Pharmacovigilance, ang kauna-unahan naman sa Asya at pangatlong pasilidad sa buong mundo.
Para sa namumuno sa Committee on Health, isa itong pagpapakita ng kumpiyansa sa gumagandang business climate ng ating bansa at maging sa expertise ng ating lokal na medical science professionals.
Magandang balita aniya ito para mapalapit sa mga tao ang mga serbisyong pangkalusugan na kailangan para maging malusog, ligtas at produktibo ang ating mga kababayan.
Nagpasalamat rin ang senador kay Pangulong Marcos Jr. sa patuloy nitong pang-eenganyo sa mga dayuhan na mamuhunan sa Pilipinas.
Katumbas aniya ng maraming mamumuhunan ang mas maraming trabaho at pangkabuhayan para sa mga pilipino.
Muli ring isinusulong ni Go ang pagsasabatas ng panukalang pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines.