US nuclear energy firms interesado sa Pilipinas

PCO PHOTO

Washington, D.C.-Nagpahayag ng interes sa Pilipinas ang ilang top American  nuclear energy firms.

Ito ay matapos ang pakikipagpulong ni Pangulong  Marcos Jr. sa mga Amerikanong negosyante dito.

Ayon sa pahayag ng Oregon-based NuScale Power Corporation, nais ng kanilang hanay na magsagawa ng pag-aaral sa mga lugar sa Pilipinas na posibleng paglagakan ng negosyo.

Tinatayang nasa $6.5 hanggang 7.5 bilyong pondo ang ilalaan ng kompanya para makapagbigay ng 430MW sa Pilipinas pagsapit ng taong 2031.

Kilala ang  NuScale sa pagdevelop sa maliit na nuclear power system na ligtas, modular, at scalable.

Sinabi ng Pangulo, kapos ang power supply sa bansa.

“We need everything. We just have to have everything and this new technology is something,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi naman ni Clayton Scott, NuScale executive vice president for business na mataas ang kumpiyansa ng kanilang hanay na maisasakatuparan ang plano.

May operasyon na ang Nuscale sa Utah, Romania, Indonesia, at Poland.

Kasama sa naturang pulong sina Speaker Martin Romualdez, Trade Sec. Alfredo Pascual, Energy Sec. Raphael Lotilla, Special Assistant to the President Sec. Antonio Lagdameo Jr., Communications Sec. Cheloy Garafil, at Philippine Ambassador to  US Jose Manuel Romualdez.

 

 

Read more...