Ibinasura ng outgoing Aquino administration ang mga panukalang buwagin na ang Commission on Human Rights o CHR.
Ito’y sa gitna ng mga kritisismo laban sa ahensya matapos ang tila pagkampi nito sa mga suspek sa pinakahuling colorum van robbery at rape case, sa halip na panigan ang mga biktima.
At noong Biyernes, napatay ang isa sa mga suspek sa krimen matapos umanong mang-agaw ng baril sa isang police escort.
Subalit ayon kay outgoing Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hindi basta-bastang mabubuwag ang CHR dahil itinatag ito sa ilalim ng Saligang Batas.
Sinabi ni Coloma na masyadong mabilis ang mga panukalang i-abolish ang CHR, at sa katunayan ay hindi niya maintindihan kung saan nanggaling ang ganitong uri ng proposals o may mabigat na basehan ba ito.
Paalala nito, malinaw ang function ng CHR, na isang independent office at may mandatong imbestigasyon ang lahat ng uri ng human rights violation, sibil man o politikal.
At kahit aniya kriminal ay mayroong karampatang karapatan, na siyang pinaiiral ng CHR.