Sen. JV Ejercito hinahanap ang inalis na monumento ni Gat Andres Bonifacio

Ikinagulat ni Senator JV Ejercito ang pagkawala ng bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa San Juan City. Nabatid na ang bantayog na likha ng kilalang iskultor na si Ed Castrillo ay proyekto ni Ejercito noong siya pa ang alkalde ng lungsod. Sa kanyang social media posts sinabi ng senador na labis niyang ikinalungkot  ang pagtanggal sa bantayog, na aniya ay pagbibigay pugay sa Ama ng Katipunan at Rebolusyon. “Ito ay ipinatayo nung panahon ko nung ako ang mayor bilang pagkilala sa kanyang (Bonifacio) kabayanihan sa Battle of San Juan del Monte o Pinaglabanan. Pati ba naman ito napulitika?” ang makahulugang pagtatanong ng senador. May impormasyon na ililipat ang bantayog sa loob Pinaglabanan Shrine bagay na kinuwestiyon din ni Ejercito bunsod na rin kahalagahan ng isinisimbolo nito sa unang pag-aaklas ng Katipunan laban sa mga Espanyol.

Read more...