AFP, pinabulaanan na may koneksyon ang ilan sa kanila sa Abu Sayyaf Group

AFPMariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon na may kaugnayan ang ilan sa kanilang mga opisyal sa Abu Sayyaf Group.

Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, matagal na panahon na nilang nilalaban ang mga Abu Sayyaf at marami na sa kanilang hanay ang nasawi dahil sa hangarin na masugpo ang bandidong grupo.

Wala aniyang duda ang dedikasyon at pagmamahal sa trabaho ng kanilang tropa.

Dagdag pa ni Padilla, pangunahing layunin ng AFP ay masawata ang mga miyembro ng Abu Sayyaf at mailigtas ang kanilang binibihag bago pa man nila mapatay ito.

Lumutang ang nasabing alegasyon matapos muling pugutan ng ulo ang isa pang bihag ng ASG na si Canadian national Robert Hall noong Lunes, June 13.

Isa si Hall sa apat na indibiduwal na kinidnap ng bandidong grupo noong nakaraang taon sa Samal Island.

Una nang pinugutan ng ulo ng ASG si Canadian national John Ridsdel noong April 26 matapos hindi pansinin ng gobyerno ng Pilipinas at Canada ang hinihinging P300 million ransom kapalit ng kalayaan ng mga bihag.

Read more...