Nais ni Anwar Ampatuan Jr., apo ng yumaong si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., na mapalagyan ng aircon ang kaniyang selda sa Quezon City Jail Anex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon kay Anwar, nahihirapan siyang huminga at nakararanas ng skin allergies dahil sa init.
Nakasaad din sa mosyon na dumadalas ang paninikip ng dibdib ni Anwar dahil sa matinding init sa loob ng bilangguan.
At para maiwasan na lumala pa ang kaniyang kondisyong pangkalusugan, hiniling nila sa korte na payagan silang magdala ng air conditioning unit sa selda.
Gayunman, sa desisyon ni Judge Genie Gapas-Agbada, nakasaad na nabigo ang kampo ni Anwar na magsumite ng sapat na ebidensya para patunayan ang kanilang pahayag hinggil sa kaniyang kalusugan.
Wala umanong medical certificate na inilakip sa mosyon ni Ampatuan dahilan para ibasura lamang ang kahilingan nito.
Si Anwar ay kabilang sa 198 sinampahan ng kaso kaugnay sa pagkakapatay sa 58 katao noong November 23, 2009 sa Maguindanao.