Mga magsasaka sa Misamis Occidental inayudahan ng DAR
By: Chona Yu
- 2 years ago
Binigyan ng ayuda ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka sa Calamba, Misamis Occidental.
Nasa P3. 7 milyong halaga ng delivery truck at farm machinery ang natanggap ng mga magsasakang miyembro ng Siloy Farmers Multi-Purpose Cooperative (SILFAMCO) at Langub-Mitacas Comprehensive Agrarian Reform Program Beneficiaries Association (LAMI CARPBA).
Ayon kay Engr. Norberto Paquingan, DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer II, ang ahensiya ay palaging tapat sa mandato nito na iangat ang buhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
“Binabati ko kayo! Nawa ay maging hamon sa lahat ng inyong miyembro na mapanatili ang patuloy na paggamit ng mga makinang pangsaka para magkaroon kayo ng kita mula rito,” mensahe ni Paquingan.
Makakatipid aniya ang kooperatiba ng oras, pagod, at pera dahil sa delivery truck dahil ito ang magresolba sa isyu sa pangangailangang magrenta ng mga sasakyan para maihatid ang kanilang mga produktong pang-agrikultura sa mga pamilihan at mamimili sa oras.
“May kabuuang P3.1 milyon na delivery truck ang iginawad sa SILFAMCO, habang may floating tillers (Mudboat-4 units) at hand tractors na may tillers (2 units) na nagkakahalaga ng P636,000 ang iginawad sa LAMI CARPBA,” ani Paquingan.
Binanggit niya na ang proyekto ay sumasalamin sa pangako ni Pangulong Marcos Jr. bilang katuparan sa kanyang pambansang layunin na mapabuti ang buhay ng mga ARB sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang suportang serbisyo sa pamamagitan ng pamumuno ni DAR Secretary Conrado Estrella III.