Biyaheng Cairo, Egypt mamayang gabi si Migrant Workers Secretary Susan Ople para personal na asikasuhin ang pagpapauwi sa mga Filipino na naiipit sa gulo sa Sudan.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Ople na makakasama niya sa biyahe si Migrant Workers Undersecretary Hans Cacdac.
Utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Ople, dalhin sa ligtas na lugar ang lahat ng mga Filipino at iuwi sa bansa ang mga nais na umuwi, may papeles man o wala.
May nakausap na si Ople na isang grupo ng mga Filipino sa Sudan na may kasamang 20 bata kabilang na ang isang pitong buwan na sanggol.
Awtomatikong bibigyan ng DMW ng 200 dolyar ang mga Filipino na makatatawid sa border ng Sudan.
Tatlong exit point aniya ang inilalatag ng DMW para sa mga Filipino na lalabas ng Sudan. Una ay sa pamamagitan ng Khartoum at mag-i-exit sa Aswan sa Egypt. Pangalawa ay sa pamamagitan ng land trip papuntang Port of Sudan at sasakay ng barko patungo ng Jeddah. Pangatlo ay maaring sumakay ng eroplano patungo ng Djibouti sa Africa sa kooperasyon ng pamahalaan ng Amerika.
Bukas ng gabi aniya ay bibiyahe rin si Labor Attache Adam Muza at sa Huwebes ay bibiyahe rin si Overseas Welfare Workers Administration Adminstrator Arnell Ignacio patungong Cairo.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa pamahalaan ng Saudi Arabia kung maaring mahanapan ng temporary na trabaho ang mga Filipino na aalis ng Sudan.
Nasa 725 na Filipino na ang tumawag sa Philippine Embassy sa Cairo at 327 ang humiling ng repatriation.