Food Terminal sa planong BuCor Global City ipinaalam na sa DA

Ipinaalam na ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang sa Department of Agriculture (DA) ang pagpapatayo ng Food Terminal System sa binabalak na BuCor Global City. Ayon kay Catapang ang Food Terminal ay ikinukunsidera na sa Master Development Plan ng New Bilibid Prison (NBP) Estate. Dagdag pa ng opisyal, tinitingnan na ng DA na magamit sa planong Food Terminal System ang 50 – 70 ektarya ng pambansang-piitan. Aniya ang plano ay para sa pagkakaroon ng maayos na sistema ng transportasyon ng mga produktong-agrikultural at matiyak ang sapat na suplay ng mura at sariwang masustansiyang pagkain. “The FTS is a key project of the DA in achieving food security and the BuCor is very much willing to partner with them in leading the agro-industrial efforts across the country to promote agribusiness and help attain food security,” sabi pa ni Catapang. Kasabay nito aniya ay magkakaroon ng pagkakakitaan ang persons deprived of liberty (PDLs) na nasa pangangalaga ng kawanihan. Pagbabahagi pa ni Catapang, pinagbilinan na siya ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na maglaan ng 80 ektarya ng NBP para naman sa socialized housing program ng gobyerno. Maari din aniya itong pagtayuan ng satellite government center ng ibat-ibang ahensiya o maging digital hub ng mga pribadong kompaniya. Paglilinaw lang nito, ang NBP Estate ay hindi ipinagbibili kundi inaalok lamang para sa “long term lease.”

Read more...